Pagkatapos
Tagalog blog
Pagkatapos??
Natanong ko lang minsan, ano nga ba talagang dapat na ipamana, diploma o pagmamahal?
Ni isa sa aming limang magkakapatid hindi nakapag-aral sa La Salle, Ateneo, UST at sa ibang schools na ang bobongga ng tuition fee. Nakapag-aral nga lang kami dahil scholar ng kung anu-anong organisasyon. Wala rin ata sa clan naming nakapasok pa rito.
Sa ngayon, may lima akong pamangkin, magiging pang-anim si Jazpearl. May maayos na kaming trabaho at sa tingin ko kung loloobin ng Maykapal at gusto rin ng mga bata (kung scholar sila) makakapasok sila sa UST, La Salle o Ateneo (lunok. lunok. lunok.)
Pero, natanong ko lang… Anong effect kung makakapagtapos na sa mga magagarang schools na ‘to? Sabihin nating makakapagtapos sila isa sa mga schools na ‘to, makakakuha ng magandang trabaho, magkakaroon ng mataas na salary. Tapos?
Makakabili sila ng sarili nilang properties, mabibilihan siguro nila ng dream house mga magulang nila at kung anu-ano pa. Tapos?
Magkakaroon sila ng sarili nilang pamilya at also another cycle of WORKING HARD at STUDYING HARD para sa isang diploma. Tapos ganon ulit sa susunod na salinlahi.
Let me step back para mas maintindihan natin kung anong gustong sabihin ng blog na ito.
Accountancy student ako at super subsob sa pag-aaral. Hindi naghuhugas ng plato, hindi naglalaba, hindi namamalantsa, ni walis tambo ayaw sa akin.
Isang araw dapat akong pumasok ng maaga sa school at hindi ko narinig ang alarm. Hindi rin ako ginising ng Nanay ko. Galing ako sa itaas non. Umuusok ang ilong at mga tenga.
“Nanay, sabi ko sa inyo gisingin niyo ako diba? Pano na yan?”
Hindi umiimik si Nanay. Naglalaba pa rin siya. Tuloy pa rin ako sa pagsasalita. “Kailangan pa naman ako ron. Kabilin-bilinan kasing gisingin ako. Nakakainis talaga! Grrr!!”
Sumagot na sya, “Pagod na pagod ka sa kakaaral kagabi. Gustuhin man kitang gisingin naisip kong mas kailangan mo ng pahinga.”
“Ano ba yan Nay. Ganyan talaga kapag nag-aaral. Palibhasa kasi hindi naman Accounting kinuha niyo.”
“Ikaw Shiela ah. Hindi ka pa nakakapagbigay sa akin ng pera ganyan ka na sumagot. Paano pa kapag nagkatrabaho ka na. Tandaan mo, huwag na huwag mo akong bibigyan na kahit isang kusing kung ganyan ang magiging trato mo sa akin.”